Driver at operator ng taxi sa viral overcharging sa NAIA, kinasuhan

MANILA, Philippines — Kinasuhan ng kriminal ng Land Transportation Office (LTO) ang driver at operator ng taxi na nag-viral sa social media dahil sa mataas na pasahe na sinisingil nito sa kanyang pasahero na umabot ng P1,300 para sa short trip mula lamang NAIA Terminal 2 papuntang NAIA Terminal 3.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, kasong paglabag sa Public Service Act ang naisampa sa Pasay City Prosecutor’s Office laban sa lalaking driver at operator na babae kaugnay nang insidente.
Binigyang diin ni Mendoza na ang pagsasampa ng kaso ay resulta nang ginawang imbestigasyon na ang taxi sa video ay rehistrado bilang private vehicle at hindi isang pampasaherong sasakyan.
Sa imbestigasyon, inamin ng driver na siya ay nag-overcharging sa kanyang pasahero noong Hunyo 11 sa NAIA Terminal 2 na malapitang ruta lamang papuntang Terminal 3.
Dito nalaman din ng LTO na illegal na nagsasakay ng pasahero ang sasakyan kahit hindi rehistratdo bilang public utility vehicle.
Sinabi ni Mendoza na may malakas na ebidensiya ang LTO para mapagpanagot ang mga respondents sa kaso.
Nanawagan si Mendoza sa publiko na agad ipaalam sa LTO at DOTr ang anumang ganitong insidente at iba pang pang-aabuso ng mga motorista laluna sa mga pampasaherong sasakyan para maparusahan.
- Latest