Dalagang buntis pinatay ng nobyo, ibinaon sa lupa

MANILA, Philippines — Isang 18-anyos na dalaga na buntis ang pinatay ng kanyang nobyo at pagkatapos ay ibinaon sa lupa sa tagong lugar ng Purok 5, Brgy. Pawa, Tabaco City, Albay noong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Rose-Ann, na papasok sa kolehiyo ngayong pasukan.
Habang sumuko naman sa Tabaco City Police Station ang suspek na si alyas “Noel”, 20, kasama ang mga magulang nitong Linggo ng gabi matapos makonsenya sa kanyang ginawang krimen.
Ayon sa pulisya, umamin ang suspek na napatay nito ang nobya na dalawang araw ng nawawala at pinaghahanap ng pamilya.
Sa imbestigasyon ng pulis na noong Biyernes ay nagkita ang magkasintahan sa isang kubo sa naturang lugar at nag-usap hinggil sa pagbubuntis ng dalaga.
Gayunman sa gitna ng pag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahilan para sakalin ng suspek ang nobya hanggang sa ito ay mamatay.
Makaraang mapatay ay dinala nito ang bangkay sa labas ng kubo at gamit ang pala ay ibinaon ng suspek ang dalaga sa isang tagong lugar.
Pero makalipas ang ilang araw ay nakonsensiya ito at umamin sa mga kamag-anak at magulang sa ginawang krimen.
Dahil sa pag-amin kasama ang suspek ay agad pinuntahan ng mga pulis ang lugar na pinagbaunan sa biktima kahapon ng Lunes ng madaling araw at ilang sandali na paghuhukay ay tumambad ang bangkay ng biktima.
Ang suspek ay nakakulong na at kinasuhan ng murder.
- Latest