BIR ‘digital track-and-trace system’ vs illegal vape trade, ilulunsad

MANILA, Philippines — Ilulunsad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang ‘digital track-and-trace system’ upang mas lalong mabantayan at mapigilan ang pagkalat sa merkado ng smuggled at unregulated vape products sa bansa.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., sa pamamagitan ng naturang sistema ay malalaman ng gobyerno at maging mga consumer kung ang vape products at iba pang excisable goods ay lehitimo sa pamamagitan nang pag-scan ng QR codes gamit ang anumang smartphone.
Pagbibigay-diin ni Lumagui, ang hakbang na ito ng BIR ay bilang layunin din na mapangalagaan ang kalusugan ng publiko mula sa masamang epekto ng ipinagbabawal na nasabing uri ng produkto bukod sa masigurong ito’y nagbayad ng kaukulang buwis.
Sinabi ni Lumagui na dahil sa ilegal na bentahan ng vape, malaking halaga ng koleksyong buwis ang nawawala sa pamahalaan at aminado rin siyang gumagamit ng makabago at kakaibang uri ng taktika ang mga nasa likod nito kung kaya mabigat ang hamon kinaharap ng BIR hinggil dito.
Pagtitiyak ni Lumagui, determinado at higit na palalakasin ng BIR ang ‘on-the-ground enforcement’ nito habang mahigpit din siyang nanawagan sa publiko na tumulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa kanila, na mayroong kapalit na insentibo.
- Latest