PhilHealth pinalawig pa ang benepisyo ng mga nagpapa-dialysis

MANILA, Philippines — Naniniwala ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na malaki ang maitutulong sa mga may sakit sa bato o chronic kidney disease (CKD) ang pinalawig pa na benepisyo ng ahensiya.
Kahapon ay personal na binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Kidney Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City para pangunahan ang paglulunsad ng Philhealth benefit package para sa adult at pediatric post-kidney transplant patients.
Sakop ng benefit package ang adult at pediatrict post-kidney transplant patients na may stage 5 CDK at para mabawasan ang pasanin sa pananalapi ng mga pasyente at kanilang pamilya.
Sa utos ni Pangulong Marcos, kabilang sa bagong benepisyo ng PhilHealth ay ang Z Benefits Package para sa post kidney transplant services.
Sa ilalim nito sagot ng PhilHealth ang P73,000 kada buwan para sa immunosupressive medications para sa unang taon, P41,000 kada buwan sa mga susunod na taon at P45,570 kada buwan para sa drug prophylaxis o antibiotic para maiwasan ang impeksyon.
Samantala, kasama rin sa pinalawig na benepisyo ay ang suporta sa mga donor ng bato o living donors para sa mga bata at mga nakakatanda na parehong makatatanggap ng tig P19,000 para sa kada anim na buwan para sa kanilang laboratoryo at monitoring mula sa PhilHealth.
Ang nasabing benepisyo ay iba pa sa umiiral na benepisyo ng PhilHealth para sa mga miyembro na mayroong sakit na stage 5 CKD.
- Latest