Airport police kasabwat sa paniningil ng mataas na pasahe sa taxi - DOTr

MANILA, Philippines — Isiniwalat ng isang taxi driver na ilang airport police sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kahati sa kanilang kita kaya’t mataas ang singil nila sa kanilang mga pasahero.
Ito ang inihayag kahapon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon nang magtungo sa kanyang tanggapan ang taxi driver na si alyas “Felix” na nagbunyag ng kalakaran sa NAIA.
Nabatid na aabot sa 40% ng singil ng mga taxi drivers ang napupunta sa mga naturang airport police at ang kanilang mga pasahero ang nagdurusa dito.
Ang mga hindi naman umano nakakapagbigay ng lagay ay hinuhuli at hindi pinapayagang makapasok sa airport.
Lubos na nagpapasalamat si Dizon dahil naglakas ng loob si alyas ‘Felix’ upang ilahad ang kanyang nalalaman hinggil dito.
Aminado rin si Dizon na mabigat ang naturang problema na batay sa kwento ni Felix ay ang airport police talaga ang pagpapatupad ng mataas na taxi rates.
Kaya’t napipilitan ang mga taxi driver na tumalima sa kalakaran na maningil ng mataas na taxi rates upang makapagbigay ng lagay sa airport police.
Matatandaang una nang nag-viral ang driver nang maningil ng mahigit sa P1,200 na pasahe sa isang pasahero mula sa NAIA Terminal 3 patungong NAIA Terminal 2 lamang.
- Latest