Sen. Go sa National Dengue Awareness Month: Magbantay vs Lamok Para Iwas Tepok
MANILA, Philippines — Bunsod nang patuloy na pagdami ng kaso ng dengue sa buong bansa, binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go kasabay ng pagdiriwang ng National Dengue Awareness Month ngayong Hunyo, ang kahalagahan ng pag-iingat at pagbabantay ng mga komunidad laban sa lamok. Nagsisilbi bilang chairperson ng Senate committee on health, sinabi ni Go na ang maagang pagtuklas, koordinadong aksyon ng barangay, at pampublikong edukasyon ay mahalaga sa pagkontrol sa mga sakit na dala ng lamok.
Sa datos na inilabas kamakailan ng Department of Health (DOH), higit sa 110,000 Pilipino ang sinasabing nadale ng dengue sa kalagitnaan ng Mayo 2025.
“Hindi po dapat balewalain ang dengue. Kadalasan, nagsisimula lang sa simpleng lagnat pero posibleng mangyari sa panganib kapag napabayaan,” ang babala ni Go ukol sa panganib na dala ng kagat ng lamok, partikular sa vulnerable gaya ng mga bata. Iniulat ng DOH na mahigit 19,000 sa mga kaso ay naitala sa Metro Manila lamang kung saan 437 na ang namamatay sa buong bansa na karamihan ay mga bata na may edad 5 hanggang 9.
Ilang lokalidad na, kabilang ang Pakil sa Laguna, ay nagdeklara ng state of emergency upang malabanan ang mabilis na pagkalat ng sakit.
- Latest