Buntis, 2 pa todas sa road trip ng mga SHS graduate

MANILA, Philippines — Tatlo ang kumpirmadong patay kabilang ang isang buntis na ginang matapos salpukin ng isang mpv na sinasakyan ng mga kabataan na katatapos lang mag-graduate sa Senior high school ang sinasakyang kotse sa Bypass Road, Brgy. Zambal, Tagaytay City, Cavite, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jemar Pelias, 47, driver ng Toyota Corolla (UCD-955), residente ng Brgy. Manggas II, Alfonso, Cavite; Jenalyn Emberga, buntis nasa hustong gulang, residente ng San Fernando, Pampanga at kanyang live-in partner.
Nasa kritikal na kondisyon ang limang sakay ng MPV na pawang mga estudyante na kinilalang sina Francesco Maurisse Tan Erni, 18, driver Nissan Grand Livina; Dan Kian Mickell Decasa, 18; Gabriel Ronald Lomibao, 19; Jinkerstin Bautista, 17; at Gabrielle Villanueva, 18.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang insidente alas-12:50 ng madaling araw ay bumabagtas patungo ng east direction ang kotse para magpa-check up sa ospital si Jenalyn, kasama ang live-in partner nang salpukin sila ng MPV na minamaneho ni Erni na umukopa umano sa kalsada.
Hinala ng mga otoridad, nasa ilalim umano ng impluwensya ng alak ang mga kabataang sakay ng van at posible umanong nag-road trip matapos ang kanilang graduation.
“Nag-inom tapos nag-road trip, kaka-graduate lang ng high school” ani PLtCol. Jefferson Ison, hepe ng Tagaytay City Police Station.
Mahaharap sa kasong multiple counts of homicide, physical injuries at damage to property ang driver ng MPV na kasalukuyan pa ring nasa ospital. — Joy Cantos, Cristina Timbang
- Latest