K-12, walang naging advantage sa loob ng 10 taon - Marcos
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. hinggil sa naging epekto umano ng K to 12 curriculum sa mga nagdaang taon.
Sa panayam ng media kahapon kay Marcos Jr., nakiisa ito sa pagnanais ni Senator Jinggoy Estrada na ibasura ang mandatory Senior High School system na nasa ilalim ng K-12 program at iginiit na tila wala naman umanong naging epekto ito sa mga mag-aaral para makakuha ng mga trabaho.
“It is just expressing the same frustration that I expressed in the first place. It’s costing more for the parents, kasi nadagdagan ng 2 years pa. Magmamatrikulasyon pa ‘yan, maraming school supplies, bibili ng libro lahat. Sa 10 years wala naman advantage,” anang Pangulo.
Sa kabila ng mga umuugong na balak na pagtanggal sa K-12, iginiit ng Pangulo na may intindihan na umano si Education Secretary Sonny Angara.
Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa pribadong sektor upang mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga Senior High School graduates.
Pinapaubaya naman ni Marcos sa Kongreso ang desisyon kung aamyendahan o babawiin ang batas sa K-12.
Matatandaang noong school year 2012-2013 nang maimplementa ang K-12 sa buong bansa sa ilalim ng noo’y administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
- Latest