6-anyos hinataw ng kahoy, isinako ng ina, patay!   

‘Di nagpaalam na lalabas ng bahay

MANILA, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit na ­kamatayan ng isang 6-anyos na batang babae matapos hambalusin ng matigas na kahoy ng sarili nitong ina na isinako pa ang walang kalaban-labang anak sa naganap na insidente sa Lamitan City, Basilan, ayon sa ulat kahapon.

Sa report na tinanggap ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Police Chief P/Brig. Gen. Romeo Macapaz, ang insidente ay nangyari sa lungsod noong Sabado (Hunyo 14) ng hapon.

Ayon sa imbestigasyon, ang biktima ay umalis sa kanilang tahanan sa lungsod ng Lamitan at sumama sa pinsan nito para bumili ng gulay na hindi umano nagpaalam sa kaniyang ina.

Nagalit naman ang ina at hinanap ang bata na nakita nito sa tabing kalsada habang naglalakad kung saan agad na nilapatan saka pinag­hahambalos ng matigas na sanga ng punong kahoy.

Hindi pa nakuntento ang sadistang ina ay kina­ladkad pa ang bata pauwi sa kanilang tahanan.

Sinabi pa sa ulat na nang nanlulupaypay na ang biktima sa tinamong mga sugat at pasa sa katawan sa paghambalos ng kahoy ng ina ay isinako pa siya.

Nang makita ng ina na hindi na kumikilos ang anak, agad niyang isinugod sa Lamitan City Hospital pero idineklara nang dead-on-arrival ang bata. 

Inaresto naman ng pulisya ang ina ng biktima na ngayo’y nahaharap sa kasong parricide sa ilalim ng Republic Act (RA) 7610, ang batas na nagbibigay proteksyon sa mga bata laban sa pang­aabuso, eksploytasyon at diskriminasyon.

Show comments