Ex-pulis vlogger na bumira kay Pangulong Marcos Jr. at PNP, inaresto!

Sa kasong sedition

MANILA, Philippines — Dahil sa inihaing kasong “sedition” ng Phi­lippine National Police, ipinaaresto ng mababang korte ang isang pulis na sinibak sa serbisyo na naging kontrobersyal sa kanyang mga maanghang na salita laban sa pamahalaan at Interpol sa social media.

Ayon sa National Ca­pital Region Police Office (NCRPO), ang dating police patrolman at vlogger na si Francis Steve Fontillas ay inaresto ng mga kabaro sa bisa ng warrant of arrest na ­inisyu ng ­Quezon City ­Regional Trial Court Branch 224, dahil sa “inciting to sedition” case na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act, na may inirekomendang piyansa na P36,000.

Ang kaso ay kaugnay sa mga naging pahayag ni Fontillas sa Facebook, habang siya ay nakasuot pa ng uniporme ng PNP noong Marso 12 at 13, 2025, na naging viral.

Una nang kinondena ni Fontillas ang ginawang pagdakip kay dating Pa­ngulong Rodrigo Duterte na may kinakaharap na crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC). Hinika­yat din niya sa kaniyang ­video ang mga kasamahang pulis na ilabas sa komento ang mga hinaing at huwag paaabuso sa mga utos na hindi dapat sundin at ipa­rating ang sa nasa “itaas” ang mga reklamo.

Hayagan niyang binatikos ang pamunuan at mga opisyal ng PNP at si Pa­ngulong Ferdinand Marcos Jr., na labag sa batas ang pagdakip kay Duterte, na para sa kaniya ay hindi niya susundin.

Naghamon pa siya na handa siyang humarap kung ipatatawag ng Malakanyang upang tayuan ang kanyang mga pahayag at patunayan na siya ang nagsasabi ng mga batikos sa administrasyong Marcos.

Show comments