Sa giyera ng Israel at Iran
MANILA, Philippines — Dahil sa tumitinding giyera sa pagitan ng Israel at Iran, nakaalerto na ang Department of Energy (DOE) upang protektahan ang suplay ng mga produktong petrolyo sa bansa sa gitna ng tumataas na presyo nito sa pandaigdigang merkado.
“As we face continued volatility in the global oil market, the Department of Energy is taking firm and proactive steps to protect the welfare of our people,” ani DOE Officer-in-Charge Sharon Garin nitong Martes.
Sinabi ni Garin na ang agarang prayoridad ng DOE ay tiyakin ang suplay ng fuel ay nananatiling matatag at sapat, na ang anumang lokal na price adjustment ay mapamahalaan sa paraang maibsan ang epekto sa ekonomiya ng bansa.
Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa oil industry at mahigpit na pagsubaybay ng imbentaryo, sinisikap aniya ng DOE na mapanatili ang seguridad ng enerhiya habang naghahanda sa mga target na intervention upang suportahan ang mga sektor na pinakaapektado.
Umapela na ang DOE sa industry players na magpatupad ng “staggered fuel price adjustment lalo na kung may biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo, upang mabawasan ang epekto sa local consumers.
Noong Hunyo 16, ang presyo ng Dubai crude ay umabot sa $73 bawat bariles, ayon sa DOE.
Samantala, ang Department of Agriculture ay may alokasyon na P585 milyon upang suportahan ang mga magsasaka at mangingisda sa sektor ng agrikultura na maaaring maapektuhan ng pagtaas ng gastos ng gasolina.
Ang mga kumpanya ng langis ay kinakailangan na magpanatili ngayon ng hindi bababa sa 30-araw na imbentaryo ng krudo at 15-araw na imbentaryo ng mga finished petroleum products.