Babae itinumba ng tandem sa B-Day party
MANILA, Philippines — Nabahiran ng dugo ang masaya sanang birthday party matapos na pagbabarilin at mapatay ng riding-in-tandem ang isang 24-anyos na babae na bisita na ikinasugat din ng kaniyang live-in partner nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa ospital dahil sa tinamong apat na bala sa katawan ay kinilalang si Marjorie Vidallo, ng Felina Extension, Sampaloc. Habang nasugatan sa kanang tuhod ang kanyang live-in partner na barangay tanod na si Joseph Villegas, 27-anyos.
Sa inisyal na ulat ni PSMS Jayson Ibasco ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente alas-10:45 ng gabi sa harapan ng bahay sa No. 663 Felina Ext.
Nabatid na ang mga biktima ay dumalo sa birthday party na isinagawa ang inuman sa labas ng bahay. Habang nagkakasiyahan ay sumulpot ang motorsiklo na may dalawang magkaangkas at bigla na lang pinaulanan ng putok si Marjorie at nang papatakas ay hinabol sila ni Joseph na siya namang pinutukan at natamaan sa tuhod.
Lumalabas sa imbestigasyon na posibleng may lookout ang mga salarin, dahil na rin sa lakas ng loob nitong gawin ang krimen, sa gitna ng maraming tao at masikip na eskinita na ilang metro lang din ang distansya nito sa barangay hall.
Nagsasagawa na ng backtracking ang mga tauhan ng MPD Homicide sa nakalap na CCTV footages para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at direksyon sa kanilang pagtakas. Wala pang nakitang motibo sa krimen.
- Latest