Lisensiya ng driver na sangkot sa NAIA crash, kinansela

MANILA, Philippines — Kinansela na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya nng driver ng black sports utility vehicle (SUV) na nakapatay sa dalawang katao nang mag-crash sa entrance sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong May 4.
Sa limang pahinang desisyon na nilagdaan ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II, nakasaad dito na ang SUV driver mula sa Batangas ay napatunayan ding guilty sa reckless driving at pinagmulta ng P2,000 bukod sa revocation ng kanyang drivers license.
Apat na taong hindi makakapagmaneho ang naturang SUV driver batay sa parusa ng LTO kaugnay nang nagawang kasalanan.
Sa patawag ng LTO sa driver, hindi ito nagsumite ng kanyang statement para maidepensa ang sarili sa nangyari kaugnay ng kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01.
Niliwanag din ng LTO na ang pagmamaneho ay hindi karapatan pero isang pribilehiyo na maaring bawiin anumang oras na lumabag sa batas at road safety rules and regulations.
- Latest