P20/kilo bigas, ligtas kainin - DA
MANILA, Philippines — “Ligtas umano para sa kalusugan ng tao ang ibinebenta nilang P20 na bigas”.
Ito ang muling iginiit ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra, nanindigan siyang maayos at may kalidad ang ibinebentang, murang bigas sa mga kadiwa market.
“Maganda po yung quality ng ating bigas. Kung ano po yung nabibili natin previously dito sa ating P29 na bigas, ayun din po ‘yung binebenta natin ng P20,” ani Guevarra.
Dumadaan din daw sa quality control ang mga bigas bago nila ito ibagsak sa mga piling kadiwa market para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, solo parents at persons with disability (PWDs).
“Bago po ito lumabas sa NFA, chine-check din po ito at tintingnan ng NFA, may quality control din po sila dito. At ine-ensure rin po nila na yung atin pong mga bigas na ibebenta dito sa programa ay very much fit for human consumption,” aniya.
Kasalukuyang mayroong 32 kadiwa stores na nagbebenta ng P20 na bigas sa Metro Manila at karatig na lalawigan ng Rizal habang nagsimula na rin ang pagbebenta nito sa Cebu.
Nakatakda na rin umanong magbukas sa ilan pang probinsya sa Visayas katulad ng Bohol, Southern Leyte at Siquijor.
- Latest