Interpol gagamitin para mapauwi si Roque

MANILA, Philippines — Upang mapabalik sa bansa si Atty. Harry Roque, na kasalukuyang nasa Netherlands ay plano ng gobyerno na hingin ang tulong ng Interpol.
Ito ay kasunod nang ipinalabas na warrant of arrest ng korte kay Roque kaugnay sa kasong umano’y qualified human trafficking kasama si Cassandra Ong at 48 iba pa, na nag-ugat sa nadiskubreng scam hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nabanggit aniya ni Undersecretary Nicky Ty ng Department of Justice na makikipag-ugnayan sila sa Interpol upang mapabalik sa bansa si Roque.
Sinabi ni Castro na hindi maaaring isangkalan ni Roque ang kaniyang dahilan na hindi ito maaaring arestuhin ng Interpol dahil mayroon pa itong pending na application para sa political asylum.
Iginiit ng opisyal na mayroong warrant of arrest laban kay Roque at mayroong kasong kinakaharap ito sa Pilipinas.
Kinakailangang patunayan aniya ni Roque ang depensa nito na political harassment ang ginagawa ng gobyerno sa kaniya dahil kung walang basehan ang kasong isinampa laban sa kaniya ay hindi sana ito naisyuhan ng warrant of arrest ng korte.
Si Roque ay pumuslit palabas ng bansa matapos maugnay ang pangalan nito sa isang kumpanya ng POGO sa Porac, Pampanga.
- Latest