Roque, Ong at 48 pa arestuhin - RTC
Sa kasong human trafficking…
MANILA, Philippines — Pinaaaresto ng Angeles City Regional Trial Court (RTC) Branch 118 sina dating presidential spokesperson Harry Roque, Cassandra Ong at 48 iba pa kaugnay ng kasong human trafficking sa mga operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na Lucky South 99 Pampanga.
Nakasaad sa arrest warrant na may 11 mag-kakahiwalay na kaso na isinampa laban sa mga nasasakdal para sa paglabag sa Republic Act 9208 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Bukod sa arrest warrant na inilabas ng korte wala ring piyansang inirekomenda sa kasong isinampa laban sa mga ito. Ang Lucky South 99 ay isang POGO faci-lity sa Porac, Pampanga, na sinalakay noong 2024.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), nakahanap sila ng ebidensya ng torture, kidnapping, at sex trafficking sa nasabing lugar kung saan nasagip ang hindi bababa sa 158 dayuhang empleyado.
Nadawit sina Roque at Ong sa operasyon ng naturang POGO firm sa mga pagdinig na isinagawa tungkol sa raid.
Inakusahan din si Roque na tumulong sa pagkuha ng operating license ng hub, habang tinukoy naman si Ong bilang authorized representative ng Lucky South 99.
Kasalukuyang nasa Netherlands si Roque at may aplikasyon para sa asylum upang doon na manirahan.
- Latest