Pangulong Marcos Jr., hinikayat ang OFWs na gamitin ang karapatang makaboto

MANILA, Philippines — Ilang araw bago ang halalan ay hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Filipino overseas na gamitin ang karapatang makaboto.
Sa mensahe ng Pangulo, pinaalalahanan nito ang mga Pilipino sa ibang bansa na nagpapatuloy pa ang internet voting para sa darating na halalan na nagsimula noong April 13 at tatagal hanggang sa May 12.
“Nakaboto na ba kayo? Tuluy-tuloy po ang overseas voting para sa halalan 2025. Ito po ang inyong pagkakataon na makilahok sa kinabukasan ng ating bayan.” —Pangulong Marcos Jr.
Ngayong pinadali na aniya ang pagboto ng mga Pilipino abroad, naaayon lamang na samantalahin ng mga ito ang pagkakataong gamitin ang kanilang karapatan para makaboto.
Sabi ng Pangulo, sa pamamagitan ng kanilang boto, maipapahayag ang kanilang boses, sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa, nang mabilis, ligtas, at sa maaayos na paraan.
Panawagan ni Pangulong Marcos, na pumili ng mga lider na mayroong malasakit sa bayan, mayroong kakayahan, at mayroong paninindigan.
Ang overseas voting o online voting para sa mga OFW ay nagsimula noong April 13 at tatagal hanggang May 12, 2025.
- Latest