Pangulong Marcos, pinagkakatiwalaan ng mas maraming Pinoy – OCTA Research
MANILA, Philippines — Bagama’t may ilang hamon sa kanyang administrasyon, muling pinatunayan ng sambayanang Pilipino ang kanilang matatag na tiwala at pagsuporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., batay sa pinakahuling resulta ng Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research ngayong Abril 2025.
Lumilitaw sa survey na isinagawa mula Abril 2 hanggang 5, 2025, na anim sa bawat sampung Pilipino (60%) ang nagpahayag ng matatag na tiwala sa Pangulo, habang 59% naman ang nagpahayag ng kasiyahan sa kanyang pamumuno—isang patunay ng patuloy na malawakang suporta ng taumbayan sa kabila ng mga pagsubok sa ilang piling rehiyon.
Sa bahagyang pagbaba ng 5 puntos sa trust rating ng Pangulo mula sa nakaraang quarter, ipinakikita ng pagsusuri ng datos na ang pagbaba ay nakatuon sa Mindanao, isang rehiyon kung saan nananatili ang malalim na impluwensya ng mga Duterte.
Nananatiling napakataas ang tiwala kay Pangulong Marcos sa karamihan ng mga rehiyon, kabilang ang makasaysayang 92% sa Ilocos Region, 87% sa Cordillera Administrative Region, at 83% sa Cagayan Valley.
Ang bahagyang pagbaba sa Mindanao ay madaling maipapaliwanag sa konteksto ng tradisyonal na pulitika at re-alignment sa rehiyon.
Sa kabila nito, nananatiling matatag ang majority trust at approval ratings ng Pangulo sa Luzon, Visayas, at iba pang bahagi ng Mindanao, kung saan mababa rin ang antas ng hindi pagkakasiya.
Ang makabuluhang dissatisfaction ay naitala lamang sa Davao, higit pang pinatutunayan na lokal at hindi pambansa ang naturang pagbaba.
- Latest