Mt. Bulusan pumutok, alert level itinaas

MANILA, Philippines — Itinaas na sa Alert Level 1 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert status ng Bulkang Bulusan sa Bicol.
Ito ay matapos magkaroon ng 24-minute phreatic eruption o pagputok sa summit crater ng bulkan ng alas-4:36 kahapon ng umaga ng Lunes, April 28.
Ayon sa Phivolcs, umabot sa 4,500 metro mula sa crater ang bent plume ng bulkan.
May naiulat din na ashfall sa mga barangay ng Cogon at Bolos sa Irosin at Barangays Puting Sapa, Guruyan, Buraburan, at Tulatula Sur sa bayan ng Juban sa Sorsogon province.
Nagtala rin ang bulkan ng tatlong kilometrong Pyroclastic Density Currents (PDCs) at may narinig na rumbling sounds ang local government officials at umabot ng 15 minuto bago pumutok ang bulkan.
“Prior to the eruption, a total of 53 volcanic earthquakes were recorded over the 24-hour period yesterday,” pahayag ng Phivolcs.
Sa ilalim ng Alert Level 1, nasa low-level unrest ang bulkan at may tsansa na magkaroon ng phreatic eruptions.
Bunsod nito, ipinagbabawal ng Phivolcs ang paglapit ng mga residente sa four-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) para makaiwas na maapektuhan ng pagsabog ng bulkan, ashfall at iba pa. Bawal ding magpalipad ng anumang uri ng aircraft sa tuktok ng bulkan.
Sa tala, umaabot sa 14,830 pamilya o kabuuang 74,209 katao mula sa anim na bayan ang naapektuhan ng pagputok ng Bulusan volcano.
Sa tinanggap na ulat ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno mula sa OCD-Bicol, nasa 51 barangay sa anim na munisipalidad ang apektado ng ashfall.
Kaugnay nito, sinabi Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na tuloy pa rin ang pagdaraos ng May 12 National and Local Elections (NLE) sa mga lugar na apektado ng pagputok ng bulkang Bulusan. — Jorge Hallare, Mer Layson
- Latest