Bong Go, Erwin Tulfo muling nanguna sa survey
MANILA, Philippines — Napanatili nina Senator Bong Go at House Majority Floorleader Erwin Tulfo ang pangunguna sa senatorial survey na isinagawa ng OCTA Research Group noong unang bahagi ng buwang ito.
Sa survey ng Tugon ng Masa, nanatiling No.1 si Go sa nakuhang 64.2% voter preference habang si Tulfo ay nakakuha ng 61.2 percent.
Tinanong ang mga nakapanayam kung sino ang kanilang iboboto bilang senador kung ang halalan sa Mayo 2025 ay gaganapin sa araw na iyon.
Ayon sa OCTA, ang survey ay isinagawa ng Abril 10-16 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 lalaki at babaeng nasa hustong gulang na respondent.
Mayroon itong ±3 margin ng error sa 95% na antas ng kumpiyansa.
Taos-puso namang nagpasalamat si Go sa patuloy na suporta at tiwalang ibinibigay sa kanya ng taumbayan.
“Nagbibigay ito ng dagdag na rason sa isang simpleng probinsyanong katulad ko na patuloy magbigay ng sipag, malasakit at more serbisyo sa mga Pilipino,” ayon kay Go.
Dalawang linggo bago ang halalan, nanawagan si Go sa mamamayan na suportahan ang kanyang mga kasamahan sa “Duter-TEN” senatorial slate upang masigurong maipagpapatuloy ang magagandang pagbabagong nasimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Tulfo naman ay nagkamit ng 100% awareness at 61.2% voting preference rating sa nasabing survey na naglalagay sa kanya sa rank 1-2. Bunga nito, nakalamang si Tulfo ng 15.8 % sa voting preference rating sa kandidatong sumusunod rito.
“Nagpapasalamat po ako sa ating mga kababayan sa patuloy nilang pagsuporta sa akin lalo na’t dalawang linggo na lang bago ang eleksyon,” pahayag ni Tulfo, kinatawan ACT-CIS Partylist sa Kamara.
Kamakailan lamang, naselyuhan ni Tulfo ang suporta ng mga vote-rich provinces na Pampanga at Pangasinan. Gayundin ang malaking pagsuporta ng mga lider ng lalawigan ng Quirino.
- Latest