362 lugar sa bansa, pasok sa election areas of concern

MANILA, Philippines — Nasa 362 na mga lugar sa bansa ngayon ang nasa election areas of concern.
Ito naman ang inihayag ng Philippine National Police (PNP) sa ginanap na pulong balitaan sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Randulf Tuano, pinagtutuunan nila ng pansin ang naturang mga lugar, dahil sa iba’t ibang rason na posibleng makaapekto sa eleksyon.
Kabilang na rito ang posibleng karahasan at matinding tensyon sa politika.
Nilinaw din ni Tuano na sa naturang mga lugar, 34 ang pasok sa red category.
Mas mababa naman ang naitalang areas of concern sa ngayon kung ikukumpara noong Mayo ng 2022, na umabot sa 844 areas of concern at noong Mayo 2019 na nasa 941 ang areas of concern.
Sinabi naman ni PNP director for police community relations Police Major General Roderick Augustus Alba na nasa 140,000 na pulis naman ang ipapakalat sa buong bansa upang bantayan ang 2025 midterm elections sa Mayo 12.
- Latest