Pope Francis, pumanaw na sa edad 88

MANILA, Philippines — Pumanaw na kahapon si Pope Francis sa edad na 88.
Ayon sa Vatican News pumanaw si Pope Francis sa kanyang tahanan sa Casa Santa Marta ng Vatican.
Inihayag ni Cardinal Kevin Farrell, Camerlengo ng Apostolic Chamber, dakong alas-9:45 ng umaga ang pagkamatay ni Pope Francis.
Ang Papa ay na-admit sa Agostino Gemelli Polyclinic Hospital noong Biyernes, Pebrero 14, 2025, matapos dumanas ng bronchitis sa loob ng ilang araw.
Ayon pa sa ulat, lumala ang sitwasyon ni Pope Francis, at na-diagnose ng kanyang mga doktor ang bilateral pneumonia noong Pebrero 18.
Matapos ang 38 araw sa ospital, bumalik ang yumaong Papa sa kanyang tirahan sa Vatican sa Casa Santa Marta upang ipagpatuloy ang kanyang paggaling.
Sinabi rin ng Vatican News na noong 1957, nasa 20s, pa lamang si Jorge Mario Bergoglio, ito ay sumailalim sa operasyon sa kanyang bansa sa Argentina upang alisin ang isang bahagi ng kanyang baga na naapektuhan ng isang matinding impeksyon sa paghinga.
Napaulat din na sinabi ni Arsobispo Diego Ravelli, Master of Apostolic Ceremonies, hiniling ng yumaong Pope Francis na pasimplehin ang funeral rites at ituon ang pansin sa pagpapahayag ng pananampalataya ng Simbahan sa “Risen Body of Christ.”
Agad namang nagpahayag nang pakikidalamhati ang ilang senador sa pagpanaw ni Pope Francis.
- Latest