DOH, nagbabala vs heat-related illnesses
MANILA, Philippines — Kasunod na rin nang unti-unti nang pag-init ng temperatura sa bansa dahil sa papalapit na summer season ay nagbabala kahapon ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa mga heat-related illnesses.
Partikular na tinukoy ng DOH ang heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke, na dapat na iwasan ng publiko.
“Ang ganitong mga temperatura ay maaaring humantong sa heat cramps o pamumulikat at heat exhaustion o pagkahapo na may mga sintomas tulad ng pagkapagod, pagkahilo, sakit ng ulo, [at] pagsusuka,” ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, sa isang media interview.
Babala pa niya, “Ang matagal na pagkakalantad sa init ay nagpapataas ng posibilidad ng heat stroke, isang seryosong kondisyon na may pagkawala ng malay, pagkalito o kaya ay mga seizure, kumbulsyon na maaaring makamatay kung hindi ginagamot.”
Pinayuhan din ng DOH ang publiko na sakaling makaranas ng sintomas ng mga naturang karamdaman ay kaagad magsagawa ng first aid measures hinggil dito.
Anang DOH, dapat na dalhin sa malamig o malilim na lugar ang pasyente at unti-unting painumin ng malamig na tubig.
Nauna rito, nagpaabiso ang state weather bureau na PAGASA na ilang lugar ang makakaranas ng dangerous level ng heat index nitong Lunes.
- Latest