Van vs pick-up truck: 4 patay, 13 sugatan
MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang apat katao habang 13 na iba pa ang malubhang nasugatan sa salpukan ng isang passenger van at pick-up truck sa Barangay Apopong, General Santos City, kamakalawa ng alas-3:00 ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rasol Angkob Adam, 56, driver ng van at mga pasaherong sina Mambai Adam Dimaraw, 66; Mona Butuan Salilaguia, 62; at Bai Intan Abdullah, 30.
Sa inisyal na ulat ng General Santos City police at ng mga barangay officials na nag-responde sa insidente, nasalpok ng van na patungong Cotabato City, may plakang NDC 5940, ang Mitsubishi pick-up truck nang bigla itong lumihis at nagawi sa kaliwang linya ng highway sa Barangay Apopong.
Ayon sa General Santos City Traffic Enforcement Unit na pumasok ang pick-up truck sa lane ng van na nagresulta sa salpukan sa kalagitnaan ng highway.
Dinala naman ang mga sugatan; siyam mula sa van at apat mula sa pick-up truck sa mga ospital sa lungsod.
- Latest