‘Dugo’ sa aking kamay dahil sa pagprotekta sa mga Pilipino - Bato
MANILA, Philippines — Nanindigan si reelectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na hindi niya ikahihiya na mabahiran ng dugo ang kanyang kamay kung ito naman ay para mapuksa ang mga kriminal at tiyakin ang kaligtasan ng mga mabubuting mamamayang Pilipino.
“Kung ‘yung aking mga kamay ay may bahid ng dugo, hindi ko po ‘yan ikinakahiya. Kung ‘yung aking mga kamay ngayon ay may bahid ng dugo, dugo ng masasamang tao,” ang mariing pahayag ni Dela Rosa sa kick-off rally ng PDP-Laban para sa 2025 midterm elections.
“Kung kinakailangan na madumihan ng dugo ng masamang tao ang aking kamay para maprotektahan ang buhay ng mga matitino, mababait, at mga law-abiding citizens, gagawin ko po ‘yan. Itaga niyo po sa bato,” dugtong ni Dela Rosa, na dating naging hepe ng Philippine National Police (PNP).
Tugon ito ni Dela Rosa sa talumpati ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung saan pinatutsadahan ng huli ang ilang senatorial candidates na sangkot umano sa Oplan Tokhang ng nakaraang administrasyon.
Hindi rin pinagligtas ni Dela Rosa ang banat ng Punong Ehekutibo sa kanilang hanay na animo’y pinabili o nagbebenta lamang ng suka kaya walang mga karapatan umanong kumandidato sa pagka-senador.
“Wag natin maliitin ‘yung mga nagtitinda ng suka dahil hindi po bawal mangarap ang nagtitinda ng suka na maging senador. Ako’y nagtitinda ng suka pero nakapag-masteral degree ako, nakapag-doctor of philosophy ako, naging chief PNP pa ako at ngayon naging senador pa,” tigas na pahayag ni Dela Rosa.
- Latest