P366 milyong halaga na smuggled high-end luxury cars nakumpiska ng BOC
MANILA, Philippines — Nakumpiska ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service at the Manila International Container Port (CIIS-MICP) ng Bureau of Customs (BOC) ang mga smuggled na luxury vehicles sa isang warehouse sa Makati City.
Kabilang sa nakumpiska ang mga sasakyang Ferrari, Porsche, at McLaren na aabot sa halagang P366 milyon.
Noong Feb. 13 ay nasabat din ng Customs ang P1.4 bilyon na halaga ng smuggled luxury vehicles sa Pasay City at Parañaque City.
Ayon sa BOC, ang kumpanyang ACH High-End Motor Service Center na nasa J.P. Rizal St., Makati City ang seller ng mga mamahaling sasakyan.
Sinabi ni CIIS Director Verne Enciso na sinalakay ng CIIS MICP team, katuwang ang Task Force Aduana ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naturang kumpanya para isilbi ang Letter of Authority (LOA) sa may-ari ng shop para maberipika kung mayroong lehitimong dokumento ang mga inangkat na sasakyan.
Kabilang sa mga sasakyang nakita sa warehouse ay ang Ferrari 488 Spider, Ferrari 812 Superfast, Porsche Targa, Mercedes-Benz G63 AMG, BMW M4, Lexus LC500, Porsche Cayenne, Bentley Bentayga, Land Rover Defender, Audi RS Q8, McLaren 720S, Ford Explorer, Li Xaiang L7 SUV, Abarth 595 Competizione, MV Agusta Brutale 1000RR motorcycle, at dalawang luxury vans na Toyota Alphard.
Sinabi naman ni Deputy Commissioner for the Intelligence Group Juvymax Uy, kailangan ang mas maigting na hakbang laban sa mga smuggler.
- Latest