Bank accounts ni VP Sara ipakukuha sa impeachment trial

MANILA, Philippines — Hindi pa man nag-uumpisa ang impeachement trial ay plano ng prosecution team ng Kamara de Representantes na ipa-subpoena sa Senate Impeachment Court ang bank record ni Vice President Sara Duterte upang mas mapalakas ang kanilang ebidensya laban sa kaniya.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng House prosecution team, ang bank records ni Duterte ay magiging mahalaga sa ilang article of impeachment na isinampa sa impeachment court.
“The Bank Secrecy Law provides an exception for impeachment cases, and we intend to use all legal means to secure relevant documents, in addition to the evidence already present, that will aid in the trial,” dagdag pa nito.
Naipasa na ng Kamara ang Articles of Impeachment sa Senado, bagama’t hindi pa opisyal na nagko-convene bilang impeachment court. Tiniyak naman ng House prosecutors na handa silang iharap ang mga ebidensya laban sa Pangalawang Pangulo sa oras na magsimula ang paglilitis.
Ayon kay dating Sen. Antonio Trillanes IV, sina VP Duterte at kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte ay mayroon umanong malaking halaga ng deposito ang naturang account. Kasama rin ang naturang bank account sa natalakay ng House Quad Committee.
Sa imbestigasyon ng Kamara ay tumanggi si Duterte na pumirma ng waiver upang payagan ang House panel na makuha ang rekord ng naturang account.
- Latest