MANILA, Philippines — Binawi na ng House Quad Committee ang contempt order laban kina Alice Guo, Tony Yang, at Cassandra Ong, na sangkot sa imbestigasyon ng kongreso sa Philippine offshore gaming operators (POGOs) at ilegal na droga.
Kaya’t makakalaya na at makakasama na nila ang kanilang mga mahal sa buhay lalona sa panahon ng Kapaskuhan ang mga nabilanggong peronalidad matapos ma-contempt ng Quad Com ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa huling pagdinig ng komite ngayong taon, naghain ng mosyon si Quadcomm co-chairman at Abang lingkod Rep.Joseph Stephen Paduano, dahilan para maalis ang contempt order laban sa mga nabanggit.
Binawi na rin ang contempt order laban kay Police Major Leo Laraga, na nagsilbi ng search warrant sa selda ni dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Quadcomm overall lead chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang desisyong alisin ang contempt order ay para ikonsidera ang diwa ng Kapaskuhan upang makasama ng mga ito ang kanilang pamilya sa araw ng Pasko.
Sa kabila nito, hindi pa rin aalisin ng komite ang contempt at arrest order laban kay dating presidential spokesman Atty. Harry Roque na hanggang ngayon ay nagtatago umano sa ibang bansa.