Miyembro ng Taiwanese crime syndicate, naaresto sa Makati
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Makati City Police Station ang isang negosyanteng Taiwanese national na sangkot umano sa operasyon ng sindikatong nakabase sa Taiwan bisa ng warrant of arrest kaugnay sa kasong may kaugnayan sa nasamsam na sangkaterbang iba’t-ibang uri ng mga baril nang puntahan ito sa isang mall sa Makati City, Huwebes ng gabi.
Kinilala ang dayuhan na may mga alyas na “Zhang” at “Ming”, na inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Eugene Conti Paras, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 58, Makati City noong Hulyo 4, 2023 sa kasong paglabag sa Sections 28 (b), (f), at (h) ng Republic Act No. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier General Bernard Yang ng Makati City Police Station-Station Intelligence Section, nakipag-ugnayan sila sa Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region hinggil sa tatlong kaso ni Zhang/Ming, na nadakip ng mga operatiba ng CIDG noong Marso 1, 2023.
Natukoy sa background investigation na si Zhang/Ming ay kabilang sa sindikatong sangkot sa paggawa ng iligal na droga, telecom fraud operations at iba pang kriminal na negosyo na ang operasyon ay sa Pilipinas.
- Latest