VP Sara, ‘di uli sisipot sa NBI probe

MANILA, Philippines — Muling hindi sisipot si Vice President Sara Duterte sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakatakda ngayong araw, hinggil sa umano’y ginawa niyang pagbabanta laban sa buhay ni Pang. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr..

Sinabi ni VP Sara na mayroon silang thanksgiving activities sa nasabing araw at kailangan din umano niyang umuwi ng Davao City para dumalo sa libing ng kanyang yumaong tiyuhin.

Ayon pa sa bise president sa kanyang pagkaunawa sa paliwanag ng kanyang mga abogado ay maaari naman siyang hindi dumalo sa pagdinig at sa halip ay magsumite na lamang ng sulat, affidavit o di kaya ay position paper, depende sa kanyang magiging desisyon.

Hinikayat naman ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Raul Vasquez si VP Sara na dumalo sa imbestigasyon ng NBI.

Matatandaang Nobyembre 29 pa sana dapat na dumalo sa NBI probe si VP Sara upang magbigay ng paliwanag hinggil sa kanyang pahayag sa isang online press conference, na may kinausap na siyang tao upang patayin si PBBM, gayundin ang kanyang maybahay na si First Lady Liza Araneta Marcos, at pinsang si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, sakaling may pumatay sa kanya.

Show comments