MANILA, Philippines — Wala umanong birth record ang 405 sa kabuuang 677 recipients ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na pinamunuan ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang lumabas sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa 677 pangalan na isinumite ni Congressman Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa PSA kaugnay ng ginagawang pag-imbestiga sa maanomalyang paggasta sa confidential fund ng OVP at DepEd sa ilalim ng panunungkulan ni VP Duterte.
Sa naturang bilang, 200 recipients naman ng confidential funds ay pare-pareho ang pangalan sa record sa PSA.
Ang pagbusisi ng PSA sa naturang recipients ng confidential fund ng OVP at DepEd ay ginawa nang lumabas sa unang pahayag ni PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa na ang isang “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin” na recipient ng OVP confidential funds ay walang birth records.
Una nang pinabulaanan ni VP Duterte at nagsabing ang alegasyong korapsiyon at maling paggamit ng pondo ng tanggapan ay isang uri ng political persecution.