MANILA, Philippines — Hindi pabor si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa anumang balakin na i-impeach o patalsikin sa puwesto si Vice President Sara Duterte dahil maaapektuhan umano ang trabaho ng mga kongresista at senador.
Sinabi ni Marcos na hindi ikagaganda ng buhay ng mga Pilipino ang pag-impeach kay Duterte.
“This is not important This does not make any difference to even one, single Filipino life, so why waste time on this?” pahayag ng Punong Ehekutibo.
Anya, nagpaabot na siya ng mensahe sa mga kaalyado sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na huwag maghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara.
Ang katuwiran ng Pangulo, hindi naman importante at hindi kailangan na mag-aksaya ng panahon at oras para rito.
“Well, it was actually a private communication but naleak na, yes. Because that’s really my opinion. This is not important. This does not make a difference to even one single Filipino life. So why waste time on it,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam sa Lucena City, Quezon.
Nakasaad sa naturang mensahe na: “In the larger scheme of things, Sara is unimportant. So please do not file impeachment complaints.”
Una rito, inihayag ng ilang kongresista na wala pang pinag-uusapan sa Kamara de Representantes kaugnay sa posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay Duterte.
Bunga ito ng hidwaan ni Duterte kina Marcos at pinsan nito na si Speaker Martin Romualdez.