MANILA, Philippines — Isang sport utility vehicle (SUV) ang nagliyab matapos araruhin ang plastic at concrete barrier nang sumampa sa center island ng Guadalupe Bridge, Makati City, kahapon ng madaling araw.
Nabatid na alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa southbound lane ng Guadalupe Bridge na ayon sa driver ay umiwas siya na masagi ang sinusundang kotse at sa pagkabig pakanan ay nasagasaan ang mga barrier.
Nawasak ang harapang bahagi ng sasakyan na nagliyab pa sa ilalim na bahagi at masuwerteng walang pinsala ang 41-anyos na lalaking driver.
May ilang mga tauhan ng barangay ang tumulong upang maapula ang apoy bago pa dumating ang Bureau of Fire Protection-Makati.
Nagdulot nang pagsisikip ng daloy ng trapiko ang insidente na nagtagal ng halos isang oras bago tuluyang mahatak.