MANILA, Philippines — Inilarawan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa si Vice President Sara Duterte na kapag lalong sinasaktan ay mas lalo itong lumalaban, ito ay tungkol sa nakaambang pag-aresto matapos nitong pagbantaang papatayin sina Pangulong Bongbong Marcos, House Speaker Martin Romualdez at First Lady Liza Marcos kamakailan.
“Let’s get ready to rumble, The more you hurt her, the more she [will] fight back,” wika ni Sen. Dela Rosa.
Magugunita na noong Martes ay nagpalabas ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Duterte hinggil sa naturang bantang pagpatay.
Inatasan ng subpoena si Duterte na humarap sa NBI main office sa Pasay City, alas-9:00 ng umaga sa Biyernes, Nobyembre 29.
Sinabi ng NBI na kailangan maghain ng ebidensiya si Duterte hinggil sa grave threats sa ilalim ng Article 282 of the Revised Penal Code na may kaugnayan sa Section 6 of the Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act No, 10175).
Inihayag pa ng dokumento na maaaring nilabag ni Duterte ang Anti-Terrorism Act of 2020 (RA 11479).