MANILA, Philippines — Halos hindi na makilala dahil sa pagkatusta ang isang lolo at kanyang apong dalagita matapos na hindi makalabas sa nasusunog nilang bahay, kamakalawa ng hapon sa Novaliches, Quezon City.
Ang maglolo ay kinilalang sina Ernesto Macapagal, 70; at 17-anyos na apong babae, kapwa residente ng Tagumpay St., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.
Sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nagsimula ang sunog, alas-4:30 ng hapon sa bahay mismo ng mga biktima sa nabanggit na lugar.
Ayon sa saksing si Evelyn de Guzman, napansin niyang nasusunog ang bahay ng mga biktima kaya agad siyang humingi ng tulong sa barangay at tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Rumesponde naman ang nasa 32 firetrucks hanggang sa maapula ang sunog bandang alas-6:23 ng gabi at sa isinagawang mopping operation ay tumambad ang sunog na sunog na katawan ng maglolo.
Sampung bahay din ang nadamay sa sunog habang 15 pamilya ang nawalan ng tirahan. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.