MANILA, Philippines — Dinalaw ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez na nakakulong sa detention facility ng Kamara de Representantes sa Batasan Hills, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, dumating si Duterte ng alas-7:40 ng gabi.
“We allowed her to visit Atty. Lopez doon sa visitors center where they both stayed they until around 10 pm,” sabi ni Velasco.
“When they were informed that the visiting hours are over the VP decided to go to the office of congressman from Davao Pulong Duterte and from then on she stayed there sa opis ni Cong. Duterte,” dagdag nito.
Nang tanungin kung mayroong dinala si Duterte kay Lopez, sinabi ni Velasco na hindi nito tiyak kung anu-ano ang mga dala pero “May nagbalita na may dalang unan.”
Ayon kay Velasco, walang pasok sa Kamara kapag Biyernes dahil ang mga empleyado ay pumapasok mula Lunes hanggang Huwebes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang security office ng Kamara sa Quezon City Police “just to be ready in case there are some disturbances outside the premises of the House.”
Ayon kay Velasco, nakikipag-ugnayan din ang security office ng Kamara sa mga security officer ni Duterte upang malaman kung muli itong pupunta kay Lopez.
Si Lopez ay ikinulong matapos ma-contempt sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong Miyerkules ng gabi.