Aussie, 2 pa tiklo sa pagdeposito ng pekeng dolyar

Halagang $496K

MANILA, Philippines — Arestado ang tatlong katao kabilang ang isang Austra­lian national nang ipahuli ng isang bangko sa tangkang pagdeposito ng $496,000 pekeng dolyar na may katumbas na higit P20 milyon sa Makati City, nitong Miyerkules.

Sa ulat na isinumite kay Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Bernard Yang, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Emmanuel”, 42, Australian national na turista; alyas “Jessirise”, 59, HR ng isang foundation; at isang alyas “Imelda”, 59, retired accountant.

Sila ay inaresto alas-2:00 ng madaling araw kahapon matapos ang masu­sing pagsisiyasat sa malaking halaga ng dolyar na ipinasok sa isang bangko sa Arnaiz Avenue,Barangay San Lorenzo, Makati.

Nabatid na alas-2:40 ng hapon nang ideposi­to ng mga suspek ang $496,000.00 na tig-$100 bills. Ipinasuri ang mga dolyar sa representative ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at natukoy na pawang peke.

Agad nakipag-ugnayan sa Makati Police Station ang security officers na nakatalaga sa nasabing bangko kaya nadakip agad ang mga suspek na nahaharap sa paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code (Illegal Possession and Use of False Treasury or Banknotes and Other Instruments of Credit).

Show comments