Quad Committee pinasalamatan ng mga mistah ng napatay na ex-PCSO official

Sa isang pahayag ng mga miyembro ng Phi­lippine Military Academy (PMA) Matikas Class 1983, nagpaabot sila ng labis na pasasalamat kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at sa mga Quad Committee, sa isinagawa nitong imbestigasyon na tila nagbibigay-linaw sa pagkamatay ni Barayuga.
House of Representatives

MANILA, Philippines — Labis ang pasasalamat ng mga ‘mistah’ o kaklase ng napaslang na dating senior official ng Philippine Cha­rity Sweepstakes Officer (PCSO) na si Wesley Barayuga, sa liderato ng Kongreso, partikular sa Quad Committee, dahil matapos ang mahigit apat na taon ay makakamit na nila ang hustisya sa wakas.

Sa isang pahayag ng mga miyembro ng Phi­lippine Military Academy (PMA) Matikas Class 1983, nagpaabot sila ng labis na pasasalamat kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at sa mga Quad Committee, sa isinagawa nitong imbestigasyon na tila nagbibigay-linaw sa pagkamatay ni Barayuga.

Nagpahayag din ng pag-asa ang Matikas Class na tuluyan nang makakamit ng pamilya ni Barayuga ang hustisya dahil sa pagkabunyag ng mga personalidad na sangkot sa pagkamatay nito.

“And in behalf of the family of our dear mistah, we also convey their profound gratitude for the identification of the suspected assailants. It may not bring our dear Wesley back but it is reassuring that there are people in government who are doing their best to bring the perpetrators to justice,” anang grupo.

Sa kanyang panig, nagpaabot naman si Speaker Romualdez ng pasasalamat sa Matikas Class dahil sa tiwalang ipinagkaloob sa kanilang Quad Committees.

Matatandaan na kama­kailan ay lumutang ang da­ting narcotics agent na si Police Lt. Col. Santie Mendoza at umamin na siya ang inatasan ni dating PCSO general manager Royina Garma at National Police Commissioner Edilberto Leonardo para paslangin si Barayuga kapalit ng P300,000 noong kasagsagan ng pandemya noong 2019.

Si Mendoza na dating miyembro ng Drug Enforcement Group ng PNP, ay umamin na tinawagan siya ni Leonardo para sa isang “special operation” laban kay Barayuga na noon ay pinagbintangan na “high-value” target sa drug war ni dating Pangulong Duterte.

Show comments