Binata na nawawala, natagpuang patay sa loob ng sako

MANILA, Philippines — Isang 20-anyos na binata na tatlong araw nang nawawala ang natagpuang patay sa loob ng sako sa tabi ng kalsada ng Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal, kahapon.

Ang bangkay ng biktima na nakilalang si Jo­nathan Añonuevo na nadiskubreng nakatali ang mga kamay ng alambre sa loob ng sako na natagpuan ng mga dumaraan kahapon ng alas-8:20 ng umaga.

Huling nakita ang biktima na kasama ang hindi pa kilalang mga kalalakihan sa Barangay San Isidro, noong Linggo at ito ay bigong makauwi sa kanilang bahay.

Humingi ng tulong ang pamilya sa pulisya at sa pagsisiyasat ay lumutang ang dalawang construction worker na sina June Rey Dela Cruz, 32; at Sainor Saidamen, 26 at inamin na kasama nila ang biktima ng gabi nang ito ay mawala.

Nakita nila na ito ay inaresto ng subdivision guard na si Roberto Sale, 66, sa pagnanakaw at dinala sa HOA office na kung saan ito ay ginulpi ni HOA president Ray Guay, 44, at homeowner official na si Victor Siervo Jr.

Matapos ang panggugulpi ay dinala ng OIC-Barangay Police Security Officer Juanito Briola, 64, kasama ang dalawang sibilyan na sina Dominic Ortega at Rodel Raga at isinakay ang biktima sa van at itinapon ito sa kahabaan ng Sitio Pintor, Barangay San Isidro, Rizal.

Agad na tinugis ng pulisya ang mga suspek na kung saan ay inaresto sina Guay, Siervo at Briola, habang sina Ortega at Raga ay patuloy pang pinaghahanap.

Show comments