Tindera ng pandesal, todas sa holdaper
MANILA, Philippines — Isang babaing pandesal vendor ang nasawi nang barilin ng dalawang holdaper nang tangkaing tumakbo makaraang magdeklara ng holdap nitong Lunes ng umaga sa Caloocan City.
Hindi na umabot ng buhay sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si alyas “Jenicel” 24, sanhi ng tama ng bala sa likod habang umeskapo kaagad ang dalawang suspek na ang isa ay nakasuot ng itim na jacket habang rosas na t-shirt naman ang suot ng kasama.
Batay sa ulat, alas-5:25 ng umaga ay nasa loob ng Mhay-Mhay Malunggay Pandesal Store sa Little Baguio St., Miramonte Heights, Brgy. 180 ang biktima nang dumating ang dalawang armadong suspek at nagdeklara ng holdap.
Sa takot ng biktima, kaagad nagtatakbo upang makaiwas sa panghoholdap, subalit isa sa dalawang suspek ang bumaril sa kanya sa likod na kanyang ikinasawi.
Susuriin nang pulisya ang mga kuha ng nakakabit na CCTV sa lugar na posibleng pagkakakilanlan at pagdakip sa mga suspek matapos ihayag ng testigo sa mga imbestigador na kapwa walang suot na face mask ang mga holdaper.
- Latest