Daang libong Pinoy mawawalan ng trabaho sa pekeng produkto na ibinebenta online
MANILA, Philippines — Kung hindi marerendahan ang talamak na bentahan ng mga sub-standard at pekeng produkto na karamihan ay galing China gamit ang mga online deliveries ay daan-daang libong manggagawang Pinoy ang posibleng mawawalan ng trabaho.
Ito ang ibinunyag ni House Deputy Majority leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo kaya’ maghahain ngayong araw kasama ang kanyang mga kasamahan sa ACT-CIS partylist na sina Reps. Edvic Yap, Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Wendel Tulfo, ng isang resolusyon para pa-imbestigahan sa Kongreso ang “unfair online sales practices” ng mga offshore appliances na karamihan ay galing sa China at direktang ipinapasok sa bansa at ibinebenta sa mas murang halaga.
“Kung hindi ito mapipigilan, maraming manufacturers sa Pilipinas na sumusunod sa tamang alituntunin ng batas natin ang mapipilitang magsara dahil sa pagkalugi. At kapag nangyari ito siguradong daan-daang libong kababayan natin ang mawawalan ng trabaho,” ani Tulfo
Sinabi ng mambabatas na aabot sa 15 negosyante na karamihan ay manufacturer ng mga appliances na kung saan ay nasa 300,000 manggagawa ang nagtatrabaho sa mga kumpanya.
Dahil apektado na ang kanilang negosyo sa talamak na bentahan ng mga sub-standard at pekeng produkto na ibinebenta sa mas murang halaga.
Kinuwestyon din ni Tulfo ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Customs (BoC) kung bakit tila hinahayaan lamang na makapasok ang mga naturang produkto na hindi dumaraan sa regulasyon ng pamahalaan.
- Latest