MANILA, Philippines — Mag-aalok ng libreng sakay ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para matulungan ang mga commuters na maaapektuhan sa dalawang araw na transport strike sa Abril 15-16.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, makikipagtulungan ang tanggapan sa local government units (LGUs) para matiyak na walang mamamayan ang maaapektuhan ng tigil-pasada sa ikinasang transport strike ng PISTON at Manibela.
Ang ikinasang transport strike ng naturang grupo ng transportasyon ay bilang pagtutol ng mga ito sa PUV consolidation ng LTFRB na inisyal na hakbang para sa PUV modernization.
Kaugnay nito, nilinaw ni Guadiz na kailangang makumpleto ang PUV consolidation sa April 30 na direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos bilang panimula nang PUV modernization program na isinusulong ng pamahalaan.
Anya maaari pa namang makahabol ang mga jeepney operators na mag-consolidate bago ang itinakdang deadline dito sa April 30. Binigyang diin ni Guadiz na ang bigong mag-consolidate sa itinakdang deadline para dito ay kakanselahin ang franchise.
Hinikayat din ni Guadiz ang mga magtitigil pasada na pabayaan ang ibang drivers na makapasada dahil kailangan nilang maghanapbuhay para sa kani-kanilang pamilya.