Barangay officials na sasawsaw sa signature sa Cha-cha, parurusahan

MANILA, Philippines — Nagbabala si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa mga barangay officials na makikilahok o makikisawsaw sa signature campaign o ang People’s Initiative (PI) para amyendahan ang 1987 Konstitusyon ay papatawan ng kaukulang kaparusahan.

Ito’y sa gitna na rin ng mga ulat na umano’y may kapalit na P100 ang pag­lagda sa iniratsadang signature campaign sa iba’t ibang bahagi ng bansa para amyendahan ang Saligang Batas.

Ayon kay Abalos, nakatanggap ng report ang kaniyang departamento na nakikisali umano sa signature drive ang mga barangay officials bagaman wala pa naman silang natatanggap na reklamo laban sa mga ito.

Sinabi nito, ipinagbabawal sa batas na makisangkot ang mga opisyal ng barangay sa people’s initiative at hindi rin aniya ang mga ito dapat gamitin ng mga grupong nagsusulong sa Cha-cha para mangalap ng lagda.

Hinikayat ng DILG Chief ang sinuman na nais na magreklamo ay dumulog sa kanilang tanggapan para mabigyan ito ng karampatang aksiyon.

Show comments