MANILA, Philippines — Isang misis ang nasawi habang ang kanyang mister at anak ay nasugatan sa Tagum City, Davao del Norte matapos ang magnitude 7.4 lindol na yumanig sa Hinatuan, Surigao del Sur nitong Sabado ng gabi.
Sa ulat, nasawi ang isang ina matapos mabagsakan ng pader ng gumuhong bahay habang sugatan naman ang kanyang mister at anak.
Naisugod pa sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival.
Nauna rito, niyanig ng magnitude 7.4 lindol ang baybayin ng Hinatuan, Surigao del Sur dakong alas-10:37 ng gabi nitong Sabado.
Itinaas pa ang tsunami warning,subalit ito ay kinansela na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Nasa mahigit 200 aftershocks na ang naitatala ngayong umaga ng Linggo matapos ang naturang pagyanig. Kabilang sa malalakas na aftershocks na naitala ay magnitudes 5.7, 6.1 at 6.2.