MANILA, Philippines — Upang labanan ang illegal gambling sa bansa ay nagsanib-puwersa ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine National Police (PNP).
Ayon sa PCSO, kumpiyansa silang higit pang makapagbibigay ng mas mahusay na serbisyo sa publiko sa mga susunod na buwan dahil sa inaasahang higit pang paglaki ng kanilang kita matapos na mangako si PNP chief PGen. Benjamin Acorda Jr. na maglulunsad ng mas pinaigting na crackdown laban sa illegal gambling operations sa bansa.
Sa isang pulong, nagpasaklolo si PCSO General Manager Mel Robles kay Gen. Acorda laban sa illegal gambling.
Tiniyak naman ni Gen. Acorda kay GM Robles na istrikto nilang ipapatupad ang one-strike policy laban sa mga police commanders na mabibigong patigilin ang illegal gambling activities sa kani-kanilang areas of responsibility.
Ipinaliwanag ni GM Robles na ang tuluy-tuloy na operasyon ng illegal na sugal ay labis na nakakaapekto sa kakayahan ng ahensiya na kumita pa ng mas malaki, dahil malaking bahagi nito ang napupunta sa mga kamay ng mga illegal gambling operators.
Binalaan naman nina Gen. Acorda at GM Robles ang mga gambling operators na mahaharap sa mabigat na parusa sa ilalim ng batas kung hindi ititigil ang kanilang mga ilegal na aktibidad.