MANILA, Philippines — Isang search and rescue operations ang isinasagawa ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatan ng Tubbataha sa Palawan para masagip ang apat na pasahero na sakay ng isang ‘dive yacht’ makaraang lumubog ito kahapon ng umaga.
Sa ulat ng PCG, umalis ng San Remegio, Cebu, alas-4:00 ng hapon noong Abril 27 ang MY (Motor Yacht) Dream Keeper at dumating ng Tubbataha noong Sabado. Lulan ng yate ang 15 crew, 12 turista, at limang dive masters kung saan apat ang kumpirmadong mga Chinese.
Alas-6:49 kahapon ng umaga nang makatanggap ang PCG command center ng ulat mula sa CG District Palawan ukol sa lumulubog na yate kaya agad na ipinadala ang BRP Melchora Aquino para magkasa ng SAR operations.
Agad na nailigtas ng SAR Team ang 28 katao habang apat ang patuloy na nawawala, alas-9:58 ng umaga. Katuwang ng BRP Melchora Aquino sa paghahanap ang Coast Guard Sub-Station Tubbataha at ilang dive boats sa lugar.
Isa sa dinarayo na ‘dive spots’ sa Pilipinas ang Tubbataha reef na isang protektadong marine park dahil sa napakaraming species ng lamang-dagat na matatagpuan dito.