MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Health na tumaas lalo ang naitatalang kaso ng sakit na tigdas (measles) sa bansa na ngayon ay nasa 350 kaso.
Ayon pa sa pinakahuling Measles Surveillance Report, ang naturang bilang ay naitala mula Enero 1 hanggang Agosto 13, ngayong taon.
Mas mataas ito ng 157 porsyento kumpara sa naitalang 136 kaso noong 2021 sa parehong mga buwan.
May pinakamataas na naitala sa Central Visayas na may 52 kaso, kasunod ang CALABARZON na may 46 at ang National Capital Region (NCR) na may 38.
Pinakamalaking itinaas sa mga kaso ang Central Visayas mula apat na kaso patungo sa 51 kasunod ang MIMAROPA na mula sa 2 kaso ay naging 15.
Wala pa namang naitatalang nasawi dahil sa tigdas sa buong bansa sa nabanggit na panahon.
Sa kabila ng aksyon ng ilang lokal na pamahalaan laban sa pagsusuot ng face mask, nanindigan ang DOH sa patuloy na paggamit nito dahil sa bukod sa COVID-19 ay maiiwasan din ang mahawa sa ibang sakit tulad ng tigdas na nakukuha rin buhat sa isang may sakit sa pamamagitan ng ‘droplets’ mula sa pag-ubo, pagbahing, pakikipag-usap.