MANILA, Philippines — Sa gitna ng pagtaas ng production cost ay inihirit kahapon ng bread brands na “Pinoy Tasty” at “Pinoy Pandesal” sa Department of Trade Industry (DTI) ang P4 dagdag-presyo.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo na nirerebyu pa ng kanilang opisina ang pending request na taasan ang presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ng P4.
Sa kasalukuyan, ang suggested retail price para sa Pinoy Tasty ay P38.50 kada 450 gram pack, habang ang Pinoy Pandesal ay P23.50 kada 10 piece-pack. Pareho itong produkto ng Marby Food Ventures.
“Mayroon kaming request ng makers ng bread. Ito lang naman yung Pinoy Tasty and Pinoy Pandesal, this is the only brand of bread na nandoon sa bulletin natin,” ani Castelo sa Laging Handa briefing.
Ipinaliwanag ni Castelo na lahat ng hirit na pagbabago sa suggested retail price ay dapat munang pag-aralan bago mag-isyu ng new bulletin.