Walang nakikitang problema sa pag-alis ng ban sa inbound traveler — OCTA

MANILA, Philippines — Wala umanong nakikitang problema ang OCTA Research Group kung bubuksan na ang Pilipinas sa ibang bansa na dating nasa travel ban.

Ito ang reaksyon ni Dr. Guido David, ng OCTA sa desisyon ng pamahalaan na tanggalin na ang travel ban sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia at Indonesia na nakatakdang ipatupad ing Bureau of Immigration ngayong araw.

“Actually, tayo na nga ang isa sa pinakamataas na kaso sa Asia. Ibig sabihin baka sila na matakot dito galing India or even Pakistan, mga 4,000 na lang ata sila per day,” ayon kay David.

Kung mayroong dapat matakot, sinabi ni David na ito ay ang mga mamamayan ng naturang bansa dahil sa mas malala na umano ang sitwasyon natin kaysa sa kanila.

Ngunit iginiit pa rin ni David na hindi dapat bababaan ng pamahalaan ang kanilang pagbabantay sa ating mga borders at pagpasok ng mga biyahero mula sa ibang bansa.

Kailangang tutukan ng husto ng nasyunal na pamahalaan ang ‘quarantine’ sa mga dumarating sa bansa upang hindi na malusutan ng mga indibidwal na may taglay na virus lalo na ng mas mapanganib na mga variants.

Matatadaan na umabot sa 200,000 ang arawang kaso ng COVID-19 sa India na sa kasalukuyan ay nasa 40,000 na lamang ngayon.

Show comments