MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival ang biktimang si Michael Sarmiento, 35, painter nang siya ay pagsasaksakin ng selosang misis na si Jissel 23, warehouse maintenance sa loob ng kanilang bahay sa Kasunduan Creek, Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Sa imbestigasyon, bago naganap ang krimen, alas-9:45 ng gabi ay narinig ni Christine Joy Sarmiento, kapatid ng biktima, na nagtatalo ang mag-asawa sa kanilang silid na tila may pinagseselosan ang suspek.
Ilang sandali ay narinig na lamang ni Christine Joy na sumisigaw at humihingi ng saklolo ang kapatid na si Michael kaya tinawag niya ang pamangkin na si Rendelyn para pasukin ang bahay ng mag-asawa.
Nang buksan ang pintuan ng silid ay nakita na lamang nilang duguan nang nakabulagta ang biktima sa sahig habang tulalang nakaupo at hawak pa ni Jissel ang kutsilyong ginamit nito sa pananaksak.
Isinugod sa East Avenue Medical Center ang biktima, pero idiniklarang dead on arrival.